1-0 lead pag-aagawan ng Mapua at CSB | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Sisimulan ng Mapua University at College of St. Benilde ang kanilang best-of-three championship series para sa NCAA Season 100 men’s basketball crown.
Magtutuos ang Cardinals at Blazers ngayong alas-2 ng hapon sa Game One ng titular showdown nila sa Smart Araneta Coliseum.
Uhaw ang Mapua sa NCAA crown sa nakaraang 33 taon, habang huling nagkampeon ang St. Benilde noong 2000.
“I just want to win the championship, that has been my goal from the very start,” sabi ni reigning MVP Clint Escamis ng Cardinals na umiskor ng 33 points sa 89-79 pagsibak sa Lyceum Pirates sa Final Four noong Nobyembre 23.
Nakatutok ang Blazers sa pagpigil kay Escamis.
“We need to find a way to stop Escamis,” wika ni coach Charles Tiu matapos ang 79-63 pagpapatalsik ng St. Benilde sa dating kampeong San Beda Red Lions sa Final Four.
Si Escamis ang nagsalpak ng game-winning three-point shot na nagtakas sa Mapua sa St. Benilde, 75-73, sa paghaharap nila noong Nobyembre 10.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaban sa NCAA Finals ang Cardinals at Blazers na tumapos bilang No. 1 at No. 2 seeds sa elimination round, ayon sa pagkakasunod.