3-peat sasakmalin ng NU | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Walang ibang nasa kukote ng defending champion National University kundi ang tapusin na ang serye para masungkit ang inaasam na korona sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship.
Nakatakdang magpaluan ng bola ang three-peat seeking, NU at De La Salle University sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals na lalaruin sa Rizal Memorial Coliseum ngayong alas-5 ng hapon.
Hahataw ang Lady Bulldogs na bitbit ang lakas ng loob matapos nilang walisin ang Lady Archers sa tatlong sets, 25-16, 25-12, 27-25 sa Game 1 noong Biyernes sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.
Muling kakapitan ng NU sa opensa si reigning Most Valuable Player Alyssa Solomon kasama sina Bella Belen at Vange Alinsug na mga nagtulungan sa Game 1 para biguin ang DLSU sa asam na makasilat ng panalo.
Aminado naman ang Lady Bulldogs na magiging mahigpit ang laban sa Game 2 dahil tiyak na itotodo ng Lady Spikers ang kanilang lakas upang makahirit ng do-or-die Game 3 sa event na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
Ihaharap naman ng Taft-based squad sina Shevana Laput at Angel Canino para tapatan ang pambato ng NU.