3rd place sosolohin ng high Speed Hitters | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ang ikalawang dikit na panalo ang parehong target ng PLDT Home Fibr at Farm Fresh sa kanilang pagkikita sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Magsasagupa ang High Speed Hitters at Foxies ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Petro Gazz Angels at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi.
Solo ng nagdedepensang Creamline ang liderato sa kanilang 7-0 baraha sa itaas ng Petro Gazz (6-1), Cignal HD (5-3), PLDT (5-3), Akari (5-4), Chery Tiggo (5-4), Choco Mucho (5-3), ZUS Coffee (4-4), Farm Fresh (4-4), Galeries Tower (1-7), Capital1 Solar Energy (1-7) at Nxled (0-8).
Umiskor ang High Speed Hitters ng 25-20, 25-21, 20-25, 25-22 panalo sa HD Spikers bilang bounce back win.
“For the bounce back, we’re just happy to grab another win and just to keep competing and finally have some motivation going into our next game. Hopefully, we continue,” ani Fil-Canadian Savi Davison na pumalo ng 24 points, 12 digs at 10 receptions.
Galing ang Foxies sa 8-26, 17-25, 25-19, 25-17 paggupo sa Highrisers tampok ang 33 points ni Trisha Tubu at ang pagbabalik-aksyon ni veteran Rachel Anne Daquis.
Muling makakatuwang ni Davison sa PLDT sina Majoy Baron, Erika Santos, Kiesha Bedonia, Dell Palomata, Angge Alcantara at ang nagbabalik na si Kim Kianna Dy.
Sina Tubu, Daquis, Alyssa Bertolano, Jolina dela Cruz at Rizza Cruz ang babandera sa Farm Fresh.
Sa ikalawang laro, puntirya ng Gazz Angels ang ikaanim na sunod na ratsada sa pagharap sa Thunderbelles.