Baguio City humabol sa BP medal standings | Pang-Masa
PUERTO PRINCESA, Philippines — Mula sa ikatlong puwesto ay umakyat ang four-time champions Baguio City sa No. 2 spot sa overall medal standings ng 16th Batang Pinoy National Championships kahapon dito sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Kumolekta ang mga Baguio City athletes ng 27 gold, 30 silver at 34 bronze medals para dumikit sa nangungunang Pasig City na may 41-24-44 medals sa sports meet na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Humakot ang Baguio City ng siyam na ginto sa wushu at anim sa taekwondo, habang may lima sila sa jiu-jitsu events.
Nasa ilalim ng Pasig City at Baguio City ang Quezon City na may 23 golds, 21 silvers at 31 bronzes kasunod ang Davao City (19-15-17), Santa Rosa City (14-12-5), Aklan (13-6-3), Muntinlupa City (12-5-6), Zamboanga City (11-8-7), Makati City (11-6-6) at General Santos City (10-12-16).
Sa swimming, nilangoy ni Arvin Naeem Taguinota II ng Pasig City ang kanyang pang-limang gold.
Binanderahan ni Taguinota ang Pasig City squad kasama sina Ricardo Delgado, Marcelino Picardal III at Jefferson Saburlase sa panalo sa boys’ 12-13 4x50 LC meter freestyle team relay sa tiyempong 1:47.44 1.
Idinagdag ito ng 13-anyos na estudyante ng British International School sa mga nauna niyang panalo sa 200m backstroke (2:19.88), 200m individual medley (2:22.02), 100m freestyle (57.92) at 100m backstroke (1:04.30).
Inilista ni Albert Jose Amaro II ng Naga City ang kanyang ikalawang bagong record na 52.29 segundo sa boys’ 16-17 100m freestyle para sirain ang dati niyang markang 53.29 segundo.