Eala nakuntento sa runner-up sa Kyotec Open | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nagkasya lamang sa runner-up trophy si Alex Eala matapos yumuko sa finals ng W40 Kyotec Open na ginanap sa Petange, Luxembourg.
Lumasap si Eala ng 1-6, 5-7 kabiguan sa kamay ni Oceane Dodin ng France sa kanilang gold-medal match.
“I enjoyed every match this week, and am more than delighted to be going home with a trophy,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Mabagal ang simula ni Eala na sinamantala ni Dodin para mabilis na makuha ang first set.
Naitarak pa ni Dodin ang 3-0 kalamangan sa pagsisimula ng second frame.
Subalit hindi agad sumuko si Eala nang makipagsabayan ito at makuha ang limang sunod na games para angkinin ang 5-3 kalamangan.
Pero hindi hinayaan ng French netter na makaariba si Eala nang bumanat ito ng sariling 4-0 rin para makuha ang panalo.
Ito ang huling torneo ni Eala sa season na ito.
Magpapahinga muna si Eala bago muling rumatsada sa susunod na taon.
Sa taong ito, may dalawang korona si Eala kung saan nagreyna ito sa W25 Yecla sa Spain noong Mayo at sa W25 Roehampton sa Great Britain noong Agosto.
May dalawang tanso rin si Eala sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China — sa women’s singles at sa mixed doubles kasama si Fancis Casey Alcantara.