Impeach VP Sara pagugulungin na sa Kamara | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Inaasahang gugulong na ang tatlong impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, hindi na kailangan pang hintayin ang ikaapat na impeachment sapagka’t ipadadala na ngayong linggo sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang tatlong impeachment complaint para maaksyunan ng Kamara.
“We have given them enough time (4th impeachment). So, we have to act on it (3 impeachment complaint) this week. So we will have to transmit the impeachment complaints within this week,” ani Velasco.
Iginiit niya na hindi pa patay ang impeachment complaint.
“Hindi naman kasi nga anytime, one-third of the members can endorse it, can sign a complaint in my presence, and then diretso ‘yon sa Senate. Hindi na daraan sa Committee on Justice,” ani Velasco.
Nangangailangan ng 103 miyembro ng Kamara para iindorso ang reklamo para ito maipasa sa Senado na aaktong impeachment court. Kung magkaganito ay hindi na kailangan pa ng House Committee on Justice na magdaos ng pagdinig para talakayin ang impeachment complaint.
Sa gitna naman ng mga kilos protesta ng iba’t-ibang grupo at panawagan ng ilang Kongresista na aksiyunan ang impeachment, nilinaw ni Velasco na walang direktiba sa kaniya na iantala ang proseso.
Magugunita na ang tatlong impeachment complaint laban kay VP Sara na inihain noong Disyembre 2,4 at 19, 3025 ay may kinalaman sa diumano’y hindi wastong paggasta nito ng P650 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at noong Kalihim pa ito ng DepEd.