International referees sa semis at finals ng PVL AFC | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Huwag kayong magugulat kung may mga international referees sa semifinals at finals ng darating na 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ito ang napagkasunduan nina PVL president Richard “Ricky” Palou at Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at Asian Volleyball Confederation (AVC) chief Ramon ‘Tats’ Suzara.
Ito ay para hindi na maulit ang nangyaring kontrobersya sa 2024 Reinforced Conference semifinals kung saan itinuring na unsuccessful ng mga opisyales ang net touch challenge ng PLDT Home Fibr na nagresulta sa panalo ng Akari.
“The PVNF will support PVL in the semifinals and finals to bring international neutral referees nearby, so Hong Kong, Thailand for two or three weeks so that there is really a fair decision by the officiating referees,” wika ni Suzara.
Magkakaroon naman ang PVL ng isang technical workshop para maliwanagan ang mga coaches at players tungkol sa rules.
“Here, all the rules and regulations of the game will be better explained to everybody,” sabi ni Palou.
Opisyal na hahataw ang 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.
Unang magtutuos ang Akari at Galeries Tower sa alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng All-Filipino Conference finalist Choco Mucho at Petro Gazz sa alas-6:30 ng gabi.
Sisimulan ng Grand Slam champions at title-holder Creamline Cool Smashers ang pagdedepensa sa korona sa Nobyembre 16 kontra sa Gazz Angels sa Ynares Center.