Mavs bugbog sa Cavs | Pilipino Star Ngayon
CLEVELAND — Naglista si Evan Mobley ng 22 points sa 144-101 pagtusok ng Cavaliers sa Dallas Mavericks ilang oras matapos ang trade kina superstars Luka Doncic at Anthony Davis ng Los Angeles Lakers.
Tumipa si Darius Garland ng 17 points at 10 assists para sa Cleveland (40-9) na nakakuha kay Sam Merrill ng siyam na three-pointers para sa kanilang franchise record na 26 triples.
Pinamunuan ni Jaden Hardy ang Dallas (26-24) sa kanyang 21 points.
Ibinigay ng Mavericks ang 25-anyos na si Doncic sa Lakers kapalit ng 31-anyos na si Davis sa isang blockbuster trade.
Makakasama ni Doncic sa Lakers si star forward LeBron James habang makakatambal ni Davis sa Mavericks si point guard Kyrie Irving.
Hindi naglaro si Davis para sa Dallas dahil sa kanyang abdominal strain.
Sa Detroit, kumolekta si Cade Cunningham ng 22 points at 15 assists para igiya ang Pistons (25-24) sa 127-119 pagpulutan sa Chicago Bulls (21-29).
Dinala ng Bulls si two-time All-Star Zach LaVine sa Sacramento Kings bilang bahagi ng isang three-team trade kasama ang San Antonio Spurs.
Ibibigay ng Kings si De’Aaron Fox sa Spurs, habang dadalhin ng Spurs si Zach Collins sa Bulls.
Sa Philadelphia, rumesbak ang nagdedepensang Boston Celtics (35-15) sa 76ers, 118-107 (19-29).