Pasig City overall champion sa BP | Pilipino Star Ngayon
PUERTO PRINCESA, Philippines — Matapos ang ilang beses na pagiging runner-up ay tuluyan nang nakamit ng Pasig City ang overall championship ng 16th Batang Pinoy National Championships kahapon dito sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Kumolekta ang mga Pasigueño ng 83 gold, 49 silver at 88 bronze medals para agawin ang korona sa four-time champions Baguio City na pumuwesto sa No. 2 spot sa hinakot na 63 golds, 53 silvers at 58 bronzes.
Bumandera sa Pasig City si swimmer Arvin Naeem Taguinota II na hinirang na most bemedalled athlete sa nilangoy na anim na gintong medalya.
Pumangatlo ang Quezon City sa sinikwat na 45 golds, 43 silvers at 45 bronzes kasunod ang Davao City (35-35-28) at Cebu City (28-32-27) sa sports meet na nilahukan ng kabuuang 177 Local Government Units (LGUs).
Ang overall champion ay tatanggap ng P5 milyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC) habang may P4 milyon, P3 milyon, P2 milyon at P1 milyon ang magtatapos sa second, third, fourth at fifth place, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang sumampa sa Top 10 ay ang Makati City (26-21-11), Mandaluyong City (25-30-15), Santa Rosa City (23-20-17), Zamboanga City (23-17-12) at Iloilo Province (21-13-7).
Samantala, muling nagposte ng bagong Batang Pinoy mark si Albert Jose Amaro II ng Naga City sa kanyang inilistang 1:57.04 sa boys’ 16-17 200m freestyle.
Nagtala rin ng bagong BP revord sina Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City sa girls’ 16-17 50m breaststroke (34.67) at Jaime Ulandorr Maniago ng Quezon City sa boys’ 16-17 50m breaststroke (30.50).