Phoenix kinapos sa Meralco | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Kinuryente ng Meralco ang Phoenix, 111-109, upang makumpleto ang pambihirang come-from-behind win sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Bumalikwas ang Bolts mula sa 23-point deficit, mula sa 27 puntos ni import Akil Anthony Mitchell sahog pa ang 13 rebounds, 3 assists at 6 steals.
Humataw din ng 23 puntos, 3 rebounds at 6 assists si Chris Newsome na kagagaling lang sa solidong kampanya kasama ang Gilas Pilpinas sa ikalawang window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Nagbalik-aksyon na si Aaron Black mula sa surgery sa kanyang meniscus injury na dahilan ng hindi paglalalaro sa Governors’ Cup at halos walang kupas sa ambag na 15 puntos, 8 rebounds at 5 assists.
Solido rin ang kontribusyon na 14 at 10 puntos nina Bong Quinto at Anjo Caram, ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag din si Jansen Rios ng 8 points at may 7 markers si Cliff Hodge.
Malamya ang naging simula ng Bolts at naiwan sa hanggang 48-71 sa first half bago unti-unting lusawin ang kalamangan ng Fuel Masters.
Naidikit ni Newsome sa 103-105 ang iskor sa huling dalawang minuto bago maibigay sa wakas ni Quinto ang bentahe sa Bolts matapos ang tres, 106-105.
Dikdikan ang dalawang koponan mula dito bago sumaklolo si Mitchell sa go-ahead sa huling segundo bago sumablay sa panabla sanang bucket ni Jason Perkins tungo sa dikit na tagumpay ng Meralco.
Laglag sa 0-2 ang Fuel Masters sa kabila ng 33 puntos, 9 rebounds, 1 assist, 1 steal at 2 tapal ni Donovan Smith.
Kapos din ang 18, 17 at 14 puntos nina Kai Ballungay, Tyler Tio at Ricci Rivero, ayon sa pagkakasunod, para sa Phoenix na una nang yumukod kontra sa guest team na Hong Kong Eastern, 102-87.