Press Release - TOL: Pagpapaliban ng barangay polls, Phivolcs modernization, DFA pension differentials, at pag-amyenda sa charter ng Baguio City, una sa prayoridad ng Senado sa Lunes
MANILA - Apat na mahahalagang panukala ang bibigyang prayoridad ng Senado sa muling pagbubukas ng sesyon sa Lunes (Enero 13), ayon kay Senate Majority Leader Francis "Tol" Tolentino
Kabilang rito ang pagpapaliban sa 2025 barangay elections, modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), pag-amyenda sa charter ng Baguio City, at pagtataas sa pension differentials ng mga kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang panukalang pagpapaliban sa halalan sa 2025 para sa Punong Barangay at Sangguniang Barangay, na pumasa na sa bicameral conference, ay magdaragdag ng dalawang taon sa termino ng mga opisyal na kasalukuyang nanunungkulan sa barangay.
Samantala, binigyang-diin ni TOL ang kahalagahan ng modernisasyon ng Phivolcs, lalo sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa Timog Katagalugan at Bulkang Kanlaon sa Negros Island Region. Makakatulong aniya ang karagdagang state-of-the-art forecasting equipment ng ahensya para siguruhin ang kaligtasan ng mga komunidad sa paligid ng naturang mga bulkan.
Dagdag ni TOL, nakalinya ang maraming lokal na panukala para sa ikalawang pagbasa. Nasa agenda rin ang mga panukala para sa reorganisasyon ng National Tax Research Center (NTRC), pagpapabuti sa industriya ng pagmimina, at pagpapalakas ng National Housing Authority.