Solar Energy giba sa Chargers | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Humampas si Ivy Lacsina ng 15 points mula sa 15 attacks para banderahan ang Akari sa 25-9, 25-17, 26-24 demolisyon sa Capital1 Solar Energy sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagdagdag si Eli Soyud ng 14 markers para sa ikalawang sunod na arangkada ng Chargers at itaas ang record sa 5-4.
May ambag na walong puntos si Faith Nisperos kasunod ang anim na marka ni Fifi Sharma habang nagtala si Kamille Cal ng 14 excellent sets at may 16 excellent digs si Justine Jazareno.
“This is going to be a long conference, and we are still in the elimination round, so at least we have a chance to challenge different systems,” ani Japanese coach Taka Minowa sa Akari.
Inilista ng Chargers ang 2-0 bentahe bago nakipagsabayan ang Solar Spikers sa third set kung saan nila inagaw ang 24-22 abante mula sa pagbibida nina Trisha Genesis at Shola Alvarez.
Nakatabla ang Akari sa 24-24 sa pamumuno ni Lacsina kasunod ang block kill ni Sharma kay Genesis at crosscourt hit ni Nisperos para kumpletuhin ang straight sets win.
“Siguro mas nagtiyaga kami sa first set talaga. Gusto naming mabago iyong slow start kami palagi,” ani Lacsina. “Sunod pa rin kami po sa game plan at mag-a-adjust kami kasi nag-a-adjust din iyong kalaban.”
Laglag ang Capital1 sa kanilang ikaapat na dikit na kamalasan para sa 1-7 baraha.
Pumalo si Genesis ng 14 points kasunod ang pitong marka ni Shola Alvarez para sa tropa ni veteran mentor Roger Gorayeb. (Russell Cadayona)