Tagumpay ng Nueva Ecija sa rice production, nais gayahin para sa buong bansa | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain ng panukala ang isang party-list group na magsusulong at gagayahin ang tagumpay ng Nueva Ecija sa rice production para sa buong Pilipinas sa muling pagbubukas ng Kongreso.
Ito ay ayon kay Galing sa Puso (GP) Party-list first nominee, Atty. Jan Rurik Padiernos, kaugnay sa deklarasyon ng Department of Agriculture ng national food security emergency ngayong Pebrero dahil sa patuloy umanong pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng pagbaba ng global price nito at tariff reductions.
Sinabi ni Padiernos na ang napatunayang tagumpay ng Nueva Ecija sa rice production ay siyang maaaring maging pundasyon upang maisagawa ito sa buong bansa na siyang magiging kapaki-pakinabang sa Pilipinas.
"The success of Nueva Ecija in sustaining rice production provides a valuable blueprint that we can replicate nationwide through well-targeted legislative measures," sabi ni Padiernos.
Sinabi rin niya na matindi ang pangangailangan ng mga magsasaka sa bagong imprastraktura, sapat na suporta, akses sa mga modernong teknolohiya, mas advanced na farming practices, at mas maayos na logistics systems.
"The Philippines must invest in a resilient and sustainable agricultural system that is capable of meeting the growing demands of our people," dagdag ni Padiernos.
Ang deklarasyon ng DA ay maaaring dulot ng pagtaas ng presyo ng bigas sa iba’t ibang parte ng Pilipinas kahit na may 35% to 15% tariff reductions na ang mga ito simula pa noong Hulyo sa ilalim ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kinumpirma naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang naturang deklarasyon ay rekomendasyon umano ng National Price Coordinating Council at nananatiling nasa reviewing stage ng DA.
Kung sakaling maipatupad ang emergency declaration, magbebenta ang National Food Authority ng buffer stocks sa mga government agencies at local government units sa presyo ng P36 per kilogram at P38 per kilogram naman sa mga mamimili o publiko.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, ang DA ay may kakayahang mag-deklara ng food security emergency kung may shortage sa rice supply at may malaking pagtaas sa presyo nito.