Tolentino suportado ng NSAs | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Suportado si Abraham “Bambol” Tolentino ng ilang national sports associations sa tangka nitong muling makakuha ng bagong apat na taong termino bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Idaraos bukas ang POC elections kung saan magkakaalaman na kung sino ang magpapatakbo ng Olympic governing body sa susunod na apat na taon.
Pinangunahan ni POC secretary-general Atty. Wharton Chan ang isang simpleng lunch na tila pagpapakita sa lakas ng puwersa ng grupo ni Tolentino.
Nangunguna sa mga tagasuporta ni Tolentino si Ricky Vargas na chairman ng Association of Boxing Aliances in the Philippines.
“I’m solidly for the continuation of the programs of Bambol Tolentino. He’s been able to help not only the POC stature, but bring up the stature of the POC and he also helps many athletes,” ani Vargas.
Si Tolentino ang POC president nang makamit ng Pilipinas ang unang gintong medalya sa ngalan ni weightlifter Hidilyn Diaz noong 2020 Tokyo Olympics.
Nadagdagan ito ng dalawang gintong medalya mula naman kay gymnast Carlos Yulo noong 2024 Paris Olympics.
Kasama sa “Working Team” ni Tolentino sina Rep. Richard Gomez at treasurer Dr. Jose Raul Canlas gayundin sina board member candidates Lenlen Escollante, Paolo Tancontian, Joebert Yu, Ting Ledesma, Epok Quimpo, Geourgina Avercilla, Karen Tanchiangco, Nikki Cheng, Ramon “Tats” Suzara, Ricky Lim, Mico Vargas, Mariano Araneta, Chan, Jarryd Bello at Bones Floro.
Ibinasura ng POC Elections Committee ang petisyon ni POC presidential candidate Chito Loyzaga para madisqualify si Tolentino dahil sa conflict of interest bilang mayor ito ng Tagaytay City at kabiguang mag-file ng annual financial statements.
Nagpasya naman ang election committee na i-disqualify ang miyembro ng Loyzaga group na si Rommel Miranda dahil hindi na ito ang secretary-general ng kurash.