Trust ratings nina Marcos at VP Sara, bumaba - survey | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Sa idinaos na survey ng Social Weather Stations (SWS), na inisponsoran ng Stratbase Consultancy, noong Enero 2025 ay bumaba ang trust ratings nina Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Nabatid na mula sa 54% noong Disyembre 2024, bumaba ng apat na puntos ang trust ratings ni Marcos sa 50% na lamang noong Enero, 2025.
Samantala, mula sa 52% noong Disyembre ay lumagapak naman sa 49% ang trust ratings ni VP Sara noong Enero, 2025.
Ayon kay Stratbase Institute president Prof. Dindo Manhit, ang pagbaba ng ratings ng pangulo ay may kinalaman sa implasyon, o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Sinabi rin ni Manhit na ang pagbaba naman ng ratings ni VP Sara ay direktang may kinalaman sa hindi pa nasasagot na katanungan hinggil sa paggamit niya ng milyun-milyong confidential funds ng kanyang tanggapan.
Nabatid na ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa may 1,800 registered voters nationwide mula Enero 17 hanggang 20.
Sa survey, na isinagawa gamit ang weighted area estimates base sa 2023 Project of Precincts data ng Commission on Elections (Comelec), tinanong ang mga respondents na bigyan ng grado ang kanilang tiwala sa iba’t ibang personalidad sa scale na “very much” hanggang “very little.”
Mayroon itong sampling error margin na ±2.31% para sa national percentages, ±5.66% para sa Metro Manila, ±3.27% para sa Balance Luzon, at ±5.66% para sa Visayas at Mindanao.