World Beach Pro Tour Challenge Nuvali hahataw | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Matutunghayan ng mga volleyball fans ang mga world-class spikers sa paghataw ng Volleyball World Beach Pro Tour Challenge Nuvali sa City of Santa Rosa.
Papagitna sina English twins Joaquin at Javier Bello sa pagdadala ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa top-level competition sa Nuvali Sand Courts.
Itatampok sa four-day Santa Rosa tournament ang tig-24 teams sa main draw ng men’s at women’s division kung saan pag-aagawan ang premyong $75,000.
Hangad nina Joaquin at Javier Bello, ang World No. 17 seed, ang ikalawang korona sa Pro Tour laban sa mga top teams.
Kabilang dito sina World No. 23 Trevor Crabb at Theo Brunner na nagkampeon sa Guadalajara noong Abril at sina World No. 32 Italian duo Gianluca Dal Corso at Marco Viscovich.
Maglalaro rin sina World No. 43 Jacob Hölting Nilsson at Elmer Andersson ng Sweden na nanalo sa BPT Challenge Chennai India sa torneong inorganisa ng PNVF sa ilalim ni Ramon “Tats” Suzara na pangulo rin ng Asian Volleyball Confederation at Executive Vice President ng Fédération Internationale de Volleyball.
Isasalang ng Alas Pilipinas sina James Buytrago at Rancel Varga, pumalo ng silver medal sa BPT Futures Nuvali noong Abril.
Makikipagtambal si Southeast Asian Games bronze medalist Ran Abdilla kay Lerry John Francisco, habang magtutuwang sina Ronniel Rosales at Edwin Tolentino.
Sasabak sina Alas Pilipinas top pair Kly Orillaneda at Gen Eslapor sa women’s event kasama sina Alexa Polidario at Jen Gaviola.