Zamboanga vs UE sa PNVF U21 Finals | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Tinakasan ng Zamboanga City ang Umingan, 23-25, 25-23, 32-30, 17-25, 15-10, sa kanilang semifinal duel papasok sa final round ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Humataw si Christian Paul Salboro ng 35 points para sa Zamboanga City sa torneong inorganisa ng PNVF sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.
Nag-ambag si Jubert Sioting ng 20 markers at may 14 points si Carl John Nabora sa pagbandera ng Zamboanga City sa Group A preliminary round bitbit ang 2-1 record.
Sa huling laro, sinibak ng University of the East ang One Silay sa kanilang semis showdown, 27-25, 26-24, 25-20, para harapin ang Zamboanga sa gold medal match ngayon
Sa classification phase, tinalo ng Lingayen ang City of Naga-Cebu Volleyball Club, 25-18, 25-18, 22-25, 25-19 habang binigo ng Notre Dame Dadiangas University ang Volleyball Never Stop (VNS), 25-23, 23-25, 22-25, 25-15, 15-13, para sa No. 5 hanggang 8 placings.
Ang torneo ay suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, AyalaLand, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live.