2 bayan sa Marinduque 'state of calamity' sa rabies; mga baboy at baka apektado | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Inilagay na sa state of calamity ang bayan ng Boac at Buenavista sa probinsya ng Marinduque dahil sa mataas na kaso ng rabies — ang ilan dito ay tumalon na kahit sa mga baboy at baka, bagay na kinakain ng tao.
Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Pronvincial veterinarian Josue Victoria na dalawang tao na ang namamatay doon maliban pa sa 89 naiulat na kaso ng rabies sa mga aso. 42 sa mga asong nabanggit ang nagpositibo sa laboratory testing.
"May outbreak na sa Boac. High risk na rin 'yung other municipalities tulad ng Buenavista, ng Gasan, at saka Mogpog," wika ni Victoria sa isang panayam sa telepono.
"Nag-start 'yung outbreak sa Boac, 'yung capital town. Nag-spill over na ito sa bayan ng Gasan. Nag-spillover na rin ito doon sa northern part, 'yung bayan ng Mogpog. And meron na ring mga cases sa, mabilis 'yung pagkalat ng rabies sa bayan ng Buenavista."
Una nang sinabi ng Department of Agriculture na nagkasa ito ng animal disease investigation matapos mamatay sa rabies ang isang 16-anyos noon pang Setyembre.
Hindi bababa sa anim na baboy, dalawang baka at isang Philippine deer ang naiulat na tinamaan ng rabies sa naturang isla. Bagama't hindi raw makahahawa ng rabies ang mga usa, kayang-kaya raw ito ng aso.
"Siya lang [usa] ang mai-infect. Kaya lang unfortunately, ang wildlife sanctuary namin, walang bakod," dagdag pa ni Victoria.
"Kaya ang bottom line pa rin dito is sa stray dogs, puwedeng magkaroon ng incursion doon sa aming wildlife sanctuary at mag-inflict ng damage sa aming mga wildlife."
Hinala ng naturang provincial veterniarian, dumami ang aso sa kanilang lugar matapos pakawalan noong COVID-19 pandemic dahil hindi na maalagaan.
Lunes lang nang sabihin ng DA na sisimulan na nitong bakunahan ang 40 hanggang 50% ng livestock at mga alagang aso't pusa upang makontrol ang pagkalat ng rabies sa mga baboy at baka.
Sa panayam ng Philstar.com, sinabi naman ng Department of Health (DOH) na dapat magpakonsulta sa doktor ang sinumang makakakain ng karne ng baboy o bakang mapatutunayang tinamaan ng rabies virus.
"It is best to consult your nearest doctor or emergency room for proper guidance. Rabies is transmitted through bites, scratches, or licks