Ayuda sa uuwing Pinoy sa Israel, ihanda – Pangulong Marcos | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno na ihanda ang ayuda para sa mga Filipino na uuwi sa bansa dahil sa gulo sa Israel.
Sa pinakahuling datos, mayroong 92 Pinoy mula sa Gaza Strip ang nais nang umuwi sa Pilipinas.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na nais masiguro ni Pangulong Marcos na may livelihood assistance ang mga ito.
Bukod dito, inutos din ng Pangulo sa kaukulang ahensiya ng gobyerno na maghanda sa reintegration ng mga Filipino sa sandaling umuwi sila dito sa bansa na siyang standard sa tuwing may mga Pinoy na darating mula sa mga bansang nagkakaroon ng kaguluhan.
Kabilang sa mga dapat paghandaan ang ayuda at financial assistance sa mga uuwing OFWs.
Maari umanong kunin ang pondo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Magbibigay din ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at education assistance para sa mga anak ng overseas Filipino workers.
Sinabi pa ni De Vega, na magpapadala ang embahada ng Pilipinas sa Cairo ng team sa border ng Gaza Strip para ayusin ang pagpapauwi sa mga Filipino at gagawin umano ito oras na mabuksan na ang humanitarian corridors.
“We are providing them funding to be able to rent transportation to bring them from the border to Cairo and to fly them to the Philippines, itong 92,” pahayag ni De Vega.
Ipinag-utos din ni Marcos sa Department of Foreign Affairs (DFA) na hanapin ang tatlong Filipino na nawawala at tulungang makalabas ng Gaza.