Batang Pier tangka ang ika-3 panalo sa Bolts | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni Australian import Venky Jois ay dalawang sunod na panalo ang inilista ng NorthPort para sa 2-1 record sa Group A ng PBA Season 49 Governors’ Cup.
Muling sasandalan ng Batang Pier si Jois sa pagsagupa sa Meralco Bolts ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Magnolia Hotshots at Terrafirma Dyip sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Matapos ang 95-101 kabiguan sa TNT Tropang Giga ay nagdesisyon ang NorthPort na palitan si Taylor Johns at pabalikin si Jois.
“Venky is a great addition to us. His attitude, the way he plays the game, talagang nakakahawa, eh,” sabi ni Arvin Tolentino kay Jois na nagtala lamang ng anim na puntos sa 135-109 paggupo ng Batang Pier sa Converge FiberXers noong Huwebes.
Nagpasabog si Tolentino ng bagong career-high na 51 points sa nasabing panalo ng tropa ni coach Bonnie Tan.
“Energy niya, number one. Second is ‘yung relationship niya with his teammates. Iyon ang mga big factors para kay Venky Jois,” wika ni Tan kay Jois na itatapat nila kay Allen Durham ng Bolts.
Umiskor ang Meralco ng 107-91 panalo sa Terrafirma kung saan humakot si Durham ng 23 points at 12 rebounds para sa kanilang 2-1 baraha sa Group A.
Sa unang laro, mag-uunahang bumangon mula sa kabiguan ang Hotshots (1-2) at Dyip (0-3).
Samantala, tinalo ng NLEX (3-1) ang San Miguel (2-2) sa overtime, 112-108, kahapon sa Cagayan De Oro City.
Bumira si import Myke Henry ng 33 points para pamunuan ang bounce back win ng Road Warriors.