Carlo, Hergie susuntok ng panalo sa Paris | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pagkakataon naman nina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam at Hergie Bacyadan na magpasiklab sa pagsisimula ng kani-kanyang kampanya sa 2024 Paris Olympics ngayong araw.
May unfinished business si Paalam na nagkasya lamang sa pilak sa Tokyo Games noong 2021.
Kaya naman inaasahang ilalabas na ni Paalam ang buong lakas nito upang maisakatuparan ang inaasam na gintong medalya sa Paris.
Haharapin ni Paalam sa kanyang unang asignatura si Jude Gallagher ng Ireland sa alas-9:30 ng gabi (oras sa Maynila) sa men’s 57kg class.
“Gusto kong magsimula ulit. Gusto kong mag-focus this time at ipakita na ibang version na ni Carlo ang makikita nito ngayon,” ani Paalam.
Sa kabilang banda, ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Bacyadan sa Olympics.
Mapapalaban ng husto si Bacyadan na haharap kay veteran Chinese boxer Li Qian sa alas-6:04 ng gabi sa women’s 75kg division.
Nakasungkit ang Chinese bet ng silver medal noong 2021 Tokyo Olympics habang may tanso ito sa 2016 Rio Olympics.
Dating wushu artist si Bacyadan bago nag-boxing.
Ngunit nilisan nito ang boxing para maging kampeon sa vovinam na isang mixed martial arts.
Nagpasya si Bacyadan na bumalik sa boxing kung saan natupad nito ang kanyang pangarap na makapasok sa Olympics.
Hindi pa rin makapaniwala si Bacyadan na Olympian na ito.