Frayna, Canino kasado na para sa Olympiad | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Handa na sina Janelle Mae Frayna at Ruelle Canino para sa prestihiyosong 2024 World Chess Olympiad na idaraos simula sa Setyembre 10 sa Budapest, Hungary.
Sariwa pa sina Frayna at Canino sa matagumpay na kampanya sa XXV Open Internacional de Sants-Ciudad de Barcelona na ginanap sa Barcelona, Spain.
Si Frayna, ang nag-iisang Woman Grandmaster sa Pilipinas sa kasalukuyan, ay may unbeaten record kung saan nakalikom ito ng 6.5 puntos sa 10 laro.
Sa kabilang banda, nagrehistro naman ang 16-anyos na si Canino ng anim na puntos para makakuha ng magandang rating points.
Nagsumite si Frayna ng tatlong panalo kabilang ang paggulantang kay GM Gabor Papp ng Hungary sa third round. May pitong draws din ito.
“The real star in this tournament is 16-year-old, WFM (Woman FIDE Master) Ruelle Canino. She almost achieved her first WIM (Woman International Master) norm,” ani Frayna.
Nakatakdang bumalik sa bansa sina Frayna at Canino para paghandaan ang pagtulak nito sa Budapest sa susunod na linggo.
Kasama nina Frayna at Canino sina Jan Jodilyn Fronda, Shania Mae Mendoza at Bernadette Galas.
Sa men’s division, hahataw sina GMs Inno Sadorra at John Paul Gomez, GM-candidate Daniel Quizon at IMs Jem Garcia at Paolo Bersamina.