Gilas Boys tinambakan ang Indonesia | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Hinambalos ng Gilas Pilipinas boys ang Indonesia, 75-48, para sa magarbong panimula ng kampanya nito sa FIBA U18 Asia Cup kamakalawa ng gabi sa As Salt Arena Complex sa Amman, Jordan.
Nagpakawala ng mainit na 23-2 arangkada ang Gilas sa second quarter at hindi na prumeno patungo sa kumbisidong 27-point win kontra sa No. 73 na Indonesians.
Ratsada sa 1-0 kartada ang world No. 25 Gilas sa Group D papasok sa krusyal na laban kontra sa host at No. 51 na Jordan ngayong madaling araw bago tapusin ang pool play kontra sa No. 27 New Zealand ngayong gabi.
Kailangan ng Gilas na maging No. 1 sa Group D upang makasikwat agad ng outright berth sa knockout quarters at lumapit sila nang isang hakbang dito kahit wala ang ace guard na si Andy Gemao.
Nadale ng metacarpal bone fracture injury si Gemao sa tune-up kontra Iran bago ang opener at sa kawalan niya ay humalili si Wilham Lawrence Cabonilas na kumamada ng 19 puntos at 8 rebounds sa 19 minutong aksyon lang.
Nag-ambag din ng 12 at 11 puntos sina Nicolash Drei Lorenzo at John Earl Medina, ayon sa pagkakasunod, para sa Gilas na lumamang ng 36 puntos.
Hangarin ng mga bataan ni coach Josh Reyes na makaabot sa semifinals ng FIBA Asia upang makapasok sa 2025 FIBA U19 World Cup.