Gilas Pilipinas sasalang na sa pukpukang ensayo | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang matinding ensayo ng Gilas Pilipinas sa Hunyo 21 sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna na bahagi ng preparasyon nito para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na papalo sa Hulyo sa Riga, Latvia.
Tiwala si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makukumpleto ang kanyang tropa lalo pa’t gahol na naman sa oras ang preparasyon para sa Olympic qualifiers.
Hindi naman mamadaliin ni Cone ang mga players na naglaro sa katatapos na PBA Philippine Cup finals sa pagitan ng Meralco at San Miguel Beer na napagwagian ng Bolts via 4-2 sa best-of-seven championship series..
“We will be cognizant of the players that just finished the Finals during our practice routines. We expect all of the 12 to be there. We have very limited prep time, so we really need all hands on deck,” ani Cone.
Tatlong miyembro ng Gilas ang naglaro sa finals.
Ito ay sina seven-time PBA MVP June Mar Fajardo at CJ Perez ng Beermen at si Chris Newsome ng Bolts na siyang itinanghal na Finals Most Valuable Player.
Inaasahang sandali lang magpapahinga sina Fajardo, Perez at Newsome para agad na makasama ang Gilas sa training camp.
Kailangan ng Gilas na mabilis na makabuo ng solidong game plan upang mapalakas ang tsansa nito sa Olympic qualifiers.
Sasalang din sa tuneup game ang Gilas kontra sa Turkey sa Hunyo 24.
“We will have a practice game on the 24th vs Turkey that will be announced later in the week. That’s the agreement,” ani Cone.
Makakasama nina Fajardo, Perez at Newsome sa Gilas sina Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Kai Sotto, AJ Edu Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Nariyan pa si naturalized player Justin Brownlee na sariwa pa sa kampanya sa Indonesian Basketball League.