Otom hihirit ng medal sa Paralympics | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Handa na si Angel Otom na makipagsabayan sa matitikas na tankers sa mundo sa 17th Paris Paralympics swimming competitions ngayon sa Paris La Defense Arena sa France.
Excited na si Otom sa kanyang unang pagsalang sa Paralympics kung saan aariba ito sa women’s 50m backstroke S5 event sa alas- 4:30 ng hapon (oras sa Maynila).
Sasabak si Otom sa Heat 1 kasama ang pito pang swimmers habang masisilayan naman sa Heat 2 ang walo pang tankers na magtatangkang pumasok sa susunod na yugto.
Tanging ang walong pinakamabilis na swimmers sa dalawang heats ang papasok sa finals na gaganapin naman bukas.
Maliban sa backstroke event, hahataw din si Otom sa 50m butterfly na idaraos naman sa Setyembre 6.
Malalim na ang karanasan ni Otom na nakasungkit ng tatlong ginto sa Asean Para Games noong 2022 sa Surakarta, Indonesia.
May apat na ginto naman ito sa 2023 edisyon ng Asean Para Games sa Phnom Penh, Cambodia.
Sa Cambodia, pinagreynahan ni Otom ang 50 backstroke S5, 50 butterfly S5, 50 freestyle S5 at 200 individual medley SM5.
Isa si Otom sa anim na miyembro ng Team Philippines sa Paralympics.
Kasama nito sa kampanya sina swimmer Ernie Gawilan at archer Augustina Bantiloc na siyang flag bearers ng bansa, at sina Jerrold Mangliwan at Cendy Asusano ng athletics, at Allain Ganapin ng taekwondo.