AI posibleng gamitin ng BI | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang paggamit ng AI o Artificial Intelligence sa kanilang mga operasyon upang higit na malabanan ang human trafficking at pagpasok ng mga kriminal na dayuhan sa Pilipinas.
Sa pagsasalita sa Biometrics Conference sa Montreal, Canada nitong Setyembre 12-14, inihayag ni BI Commissioner Norman Tansingco na malaking tulong ang ihahatid ng AI sa immigration processing sa pagdaragdag ng isa pang layer ng seguridad.
Mas mabisa umano nitong matutukoy ang mga impostor at mga palsipikadong dokumento bago pa man ito makarating sa immigration counters. Inaasahan din na magbibigay ng facial recognition at document matching features.
“Naglalakad palang sila, makikita na ng AI kung may suspicious documents or activities sila,” ayon kay Tansingco.
Ngunit nilinaw ng opisyal na hindi papalitan ng AI ang trabaho ng kanilang mga immigration officers at bagkus ay padadaliin ang trabaho nila sa manual na pagproseso.
“Currently we are doing manual processing, and it takes 45 seconds per passenger. The e-gates can decrease processing time to as low as 8 seconds,” paliwanag niya.