Bado sumuntok ng tanso sa World Cup | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Hindi uuwing luhaan ang national boxing team dahil nasiguro ni Aaron Jude Bado ang nag-iisang medalya ng Pilipinas — isang tanso — sa prestihiyosong 2024 World Boxing Cup na ginanap sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Nagkasya lamang si Bado sa tanso matapos makaabot sa semifinals.
Subalit hindi na ito nakalaro pa sa semis dahil sa desisyon ng mga doktor doon sa Mongolia na huwag na itong sumalang pa upang hindi lumala ang injury nito na natamo sa quarterfinals.
Na-headbutt si Bado sa quarterfinal match nito sa men’s 51kg division laban kay Allesio Camialo ng Italy.
Nagtamo si Bado ng injury sa kanang mata dahilan para itgil ang laban.
Dahil hindi natapos ang laban, kinuha ang desisyon sa score cards ng mga hurado.
Bago itigil ang bakbakan, lamang si Bado na nakuha ang boto ng tatlong hurado habang dalawang judges ang pumabor sa Italian pug.
Kaya naman ibinigay kay Bado ang panalo at umusad ito sa semifinals.
Dahil sa nangyari, nanghinayang si Bado na nais pa sanang makalaro at makuha ang gintong medalya.
“Sayang po at hindi ko nakuha yung inaaasam ko na makapasok sa finals dahil sa natamo ko na sugat mula sa kalaban,” ani Bado.
“Akala ko nga talo ako dahil inihinto ng referee; mabuti na lang at win on points ang naging decision, at alam ko na lamang ako sa mga patama ko kanya,” dagdag ni Bado.
Nanghinayang din si national boxing coach Roel Velasco.