Semis amoy na ng SMB | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng mga Beermen papasok sa best-of-seven semifinals series ng PBA Season 49 Governors’ Cup.
Nagpaputok si import EJ Anosike ng 41 points bukod sa 9 rebounds at 5 assists sa 107-100 paggiba ng San Miguel sa Converge sa Game Two ng kanilang quarterfinals duel kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng Beermen ang 102-95 panalo sa FiberXers sa Game One para itayo ang 2-0 bentahe palapit sa pagtagay sa semis berth.
“I think it was a good effort by the whole team. I think when everyone plays well the energy is contagious,” ani Anosike. “For me it’s my second game here and I’m happy with these great guys.”
Nagdagdag si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 15 markers at may 11 at 10 points sina Kris Rosales at CJ Perez, ayon sa pagkakasunod.
Inilista ng Converge ang 44-36 abante sa second period sa pamumuno ni import Jalen Jones na tumapos na may 36 points.
Bumangon ang San Miguel sa third quarter at inagaw ang 76-67 bentahe sa huling 1:12 minuto galing sa dalawang free throws ni Anosike.
Inilista ng Beermen ang 12-point lead, 95-83, sa 6:52 minuto ng final canto, habang muling nakadikit ang FiberXers sa 96-97 sa likod ng triple at tatlong free throws ni Bryan Santos sa 3:03 minuto nito.
Nagtuwang sina Anosike, Fajardo at Perez para ilayo ang SMB sa 105-98 sa huling 1:18 minuto ng laro.
Samantala, pag-aagawan ng apat na koponan ang krusyal na 2-1 lead sa kani-kanilang quarterfinal wars sa Ynares Center, Antipolo sa Antipolo City.
Nagtabla sa 1-1, lalabanan ng TNT Tropang Giga ang NLEX sa Game Three ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Magnolia at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi.