Cignal nakaiwas sa paninilat ng Capital1 | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nakaiwas ang Cignal HD na mabiktima ng Capital1 Solar Energy matapos ilusot ang 25-20, 25-17, 23-25, 25-13 panalo sa Pool B ng 2024 PVL Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumanat si Venezuelan import MJ Perez ng 23 points mula sa 20 attacks, dalawang service aces at isang block para gabayan ang HD Spikers sa pagtatala ng 3-0 record.
“Again, very thankful and proud sa team kasi kung ano iyong naging game plan namin I think two days or three days sa training, lumabas naman siya. Medyo nag-struggle lang kami sa third set, but good thing naka-recover din kami,” ani coach Shaq Delos Santos.
Nag-ambag sina Ces Molina at Jacqueline Acuna ng tig-12 markers habang may 17 excellent digs si Judith Abil at 16 excellent sets si Gel Cayuna.
“Of course, we are happy but still it’s not enough I feel,” wika ni Perez. “I still feel that we haven’t reached our peak and we need to push more,especially like this kind of game.”
Bigo ang Solar Spikers na makuha ang back-to-back win matapos gulatin ang nagdedepensang Petro Gazz Angels noong Martes para sa kanilang 1-2 baraha.
Binanderahan ni Russian import Marina Tushova ang Capital1 sa kanyang 28 points tampok ang 27 hits at nag-ambag si Des Clemente ng 10 markers.
Hindi nawalis ng Cignal ang laro matapos masilat sa third set, 23-25, bago tuluyang angkinin ang fourth frame at ang panalo.
Sa ikalawang laro, tinakasan ng Akari ang nagdedepensang Petro Gazz, 23-25, 21-25, 25-23, 29-27, 16-14, para sa kanilang 3-0 baraha.
Pumalo si American import Oly Okaro ng 31 points mula sa 29 attacks para sa Chargers.