Cignal sasargo ng final four slot | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Puntirya ng Cignal na masungkit ang huling tiket sa Final Four sa pagsagupa nito sa Gerflor sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtatagpo ang HD Spikers at Defenders sa alas-2 ng hapon kung saan inaasahang ibubuhos ng Cignal ang buong lakas nito para masiguro ang pag entra sa semis.
“Alam ko kung gaano nila pinaghirapan yung naging training namin. Good thing nabawi namin and we were very thankful. Isa na lang yung kailangan namin para sure na kami sa semis,” ani Cignal head coach Shaq delos Santos
Nasa No. 4 spot ang HD Spikers tangan ang 7-3 rekord habang nauna na sa semis ang Creamline, Choco Mucho at Chery Tiggo.
Kung mananalo ang HD Spikers, guguho na ang pag-asa ng ibang teams na naghahabol din sa semis spot.
Kaya naman aariba ng husto sina Ces Molina, Jovelyn Gonzaga, Roselyn Doria Vanie Gandler, Chin Basas, Riri Meneses at ace setter Gel Cayuna para makuha ang panalo.
Subalit hindi basta-basta ibibigay ng Gerflor ang laro dahil uhaw itong makuha ang kanilang unang panalo.
Bukod-tanging ang Defenders na lamang ang walang panalo sa liga matapos lumasap ng 10 sunod na kabiguan.
Kaya naman determinado sina Jeanette Villareal, Grace Berte, Menchie Tubiera, Danika Gendrauli, Jenny Gaviola at Jhona Rosal na magkaroon ng magandang exit ang Defenders.
Sa kabilang banda, pakay ng Cool Smashers na mawalis ang eliminasyon sa pakikipagtipan nito sa Galeries sa alas-4 ng hapon.
Maghaharap din ang PLDT at Petro Gazz sa alas-6 ng gabi.