Ika-2 dikit puntirya ng Blackwater sa Phoenix | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Sa kanyang PBA debut ay agad nagpasikat si import George King para ibigay sa Blackwater ang unang panalo matapos ang 0-3 panimula.
Muling igigiya ni King ang Bossing sa pagsagupa sa Phoenix Fuel Masters ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng NLEX Road Warriors at Ginebra Gin Kings sa alas-7:30 ng gabi sa PBA Season 49 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Bumabandera ang Rain or Shine sa Group B sa kanilang 4-0 record kasunod ang NLEX (3-1), San Miguel (2-2), Ginebra (1-2), Blackwater (1-3) at Phoenix (0-4).
Umiskor ang Bossing ng 95-88 panalo sa Gin Kings noong Biyernes kung saan nagtala si King, pumalit kay Ricky Ledo, ng 33 points at 19 rebounds.
“It really just fits like a glove,” ani King. “Our offense, coach are really easygoing, and they really made it simple for me, which took a lot of pressure off me as well. It just works.”
Ang dating NBA second round pick ay naglaro para sa Phoenix Sun at Dallas Mavericks bago kumampanya sa Italy, Poland, Germany, Israel at Australia.
Si dating San Miguel import Cameron Clark sana ang ipapalit ng Blackwater kay Ledo kundi lamang nagkaroon ang huli ng family emergency sa US.
“Things happen for a reason,” sabi ni coach Jeffrey Cariaso. “Sometimes, things don’t work out with other people and it becomes a blessing to someone else.”
Itatapat ng Phoenix kay King ang bagong import na si dating NBA undrafted player Brandon Francis kapalit ni Jay McKinnis.
Sa ikalawang laro, target ng Road Warriors na maduplika ang 112-108 overtime win sa Beermen sa pagsagupa sa Gin Kings.
Isasalang ng NLEX si import Myke Henry katapat si reinforcement Justin Brownlee ng Ginebra.