Mag-asawang senior patay sa sunog | Pang-Masa
MANILA, Philippines — Isang mag-asawang senior citizens ang nasawi sa naganap na sunog sa kanilang bahay, kamakalawa ng gabi sa Cubao, Quezon City.
Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Jose Arsenio Chua Ong, 80 at Elizabeth Dolliaga Ong, 78, kapwa residente ng No. 88A Stanford St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City na nakitaan ng mga palo at sugat sa ulo.
Hawak naman ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang kasambahay na si Marilyn Mante Pandita, 48, tubong Alabel Sarangani at stay-in sa bahay ng mga biktima.
Sa imbestigasyon ng QCPD-CIDU, alas-8:45 ng gabi ay nakita ng saksing si Aileen Santos na nasusunog ang bahay ng mag-asawa kaya’t agad siyang humingi ng saklolo sa mga opisyal ng barangay na nag-report sa bumbero.
Sa pagresponde ng mga bumbero at tauhan ng barangay, nakasalubong nila ang papalabas na si Pandita na may dalang maleta kaya dinala sa barangay hall.
Habang abala ang mga tauhan ng barangay sa sunog, tumakas naman si Pandita na hinabol ng mga barangay officials at pulis sa 15th Avenue kanto ng P. Tuazon Avenue, Brgy.Socorro at naapula ang apoy, alas-9:22 ng gabi.
Sa pagsisiyasat ng SOCO team, nakuha sa crime scene ang llave tubo, dumbbell at kutsilyo.
Nakuha naman sa dalang bag ng biktima ang ice pick, plane ticket, pera na nakalagay sa isang bag at iba pang personal na gamit.
Inaalam pa ng pulisya kung arson ang naganap na insidente.