Multa sa segunda-manong sasakyan na ‘di rehistrado, itinigil ng LTO | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang implementasyon ng isang kautusan na nagpapataw ng malaking multa sa mga nagbenta at nakabili ng segunda-manong sasakyan na hindi agad nailipat ang rehistro sa mga bagong may-ari nito.
Sa Facebook page ng LTO, inilabas sa publiko ang memorandum order na nilagdaan ni LTO chief Vigor Mendoza na may petsang Oktubre 23, 2024 na nagsususpinde sa pagpapatupad ng Administrative Order (AO) No. VDM-2024-046 na ipinalabas noong Agosto.
Nakasaad sa post ng LTO na suspendido muna ang pagpapatupad ng naturang kautusan upang bigyan ng mas mahabang panahon ang mga stakeholders na magbigay ng kanilang dokumento na sila na ang nagmamay-ari ng nabiling segunda-manong sasakyan.
Magpapalabas na lamang umano ang LTO ng anunsyo kung kailangan ganap na maipatutupad ang naturang AO.