Olympic ticket sinuntok nina Petecio at Villegas | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Binigyan ng magandang regalo nina Nesthy Petecio at Aira Villegas ang buong sambayanan ngayong women’s month.
Ito ay matapos makasungkit sina Petecio at Villegas ng tiket sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa France.
Nagawa ito nina Petecio at Villegas nang magtala ang mga ito ng krusyal na panalo sa ginaganap na 2024 1st World Qualification Tournament sa Busto Arsizio, Italy kahapon.
Nakasiguro si Petecio ng return ticket sa Olympics nang angkinin nito ang majority decision win laban kay Esra Yildiz ng Turkey sa semifinals ng women’s 57 kg division.
Pumabor kay Petecio ang apat na hurado na pare-parehong nagbigay ng 29-28 iskor, habang bumoto sa Turkish pug ang isa pang judge na may ibinigay na 29-28 desisyon.
Sa kabilang banda, nanaig naman si Villegas via unanimous decision kontra kay Zlatislava Chukanova ng Bulgaria sa quarterfinals ng women’s 50 kg class.
Binigyan si Villegas ng dalawang hurado ng parehong 29-27 iskor at draw ang ibinigay ng tatlo pang judges na may magkakatulad na 28-28.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa Olympics si Villegas.
Pakay naman ni Petecio na malampasan ang kanyang silver-medal finish noong 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Matatandaang natalo si Petecio sa gold-medal match kontra kay hometown bet Sena Irie ng Japan.
Sa 10 boksingerong ipinadala ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa Olympic qualifiers, tanging sina Petecio at Villegas lamang ang nakasikwat ng silya sa Paris Games.
Bigo ang walo pang ibang miyembro ng national team kabilang na sina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam at Rio Olympics veteran Rogen Ladon na parehong natalo sa quarterfinals.