P16.81-M lotto jackpot solong tinamaan sa Lotto 6/42 | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Wagi ng milyun-milyong pisong papremyo ang nag-iisang bettor matapos makuha ang halos P17 milyong jackpot ng Lotto 6/42.
Swerteng nakuha ng naturang mananaya ang sumusunod na lucky numbers matapos ibola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang sumusunod na mga numero nitong Martes: 04-39-23-19-17-36.
Hindi pa naman isinasapubliko ng PCSO sa ngayon kung saang lungsod o probinsya binili ang naturang winning ticket sa ngayon.
Bagama't P16,813,380.40 ang jackpot prize ay hindi ito buong-buong makukuha ng nanalo.
Sa ilalim kasi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, sakop ng 20% na buwis ang mga papremyong lalagpas ng P10,000.
Wala pa ring pinapalad na makauwi ng P556.51 milyong Superlotto 6/49 jackpot at P49.5 milyong Ultra Lotto 6/58 jackpot, bagay na kahapon din ang draw date.
Lumabas ang resulta ng bagong lotto draw ilang araw matapos manalo ng mahigit P571 milyong lotto jackpot ang isang Bikolana dahil sa Ultra Lotto 6/58.
Una nang sinabi ng PCSO na kinakailangang makubra ang anumang papremyo sa loob ng isang taon.
Mapupunta sa Charity Fund ng naturang ahensya ang pera kung sakaling mabigo ang winner na makuha ito sa takdang panahon.