P571.5 milyong Ultra Lotto jackpot, tinamaan na! | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Isang mananaya mula sa Albay ang pinalad na makapag-uwi ng tumataginting na P571.5 milyong jackpot prize ng UltraLotto 6/58 sa pagbola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi.
Sa anunsiyo ng PCSO, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination na 19-35-25-42-58-05 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na P571,554,916.40.
Nabili umano ang kanyang lotto ticket sa isang outlet sa Rizal St., Ligao City, Albay.
Samantala, isang taga-South Cotabato naman ang nagwagi ng P23.3 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45.
Nahulaan ng mananaya ang six-digit winning combination na 06-12-28-04-16-17 ng MegaLotto 6/45 kaya’t naiuwi niya ang katumbas nitong premyo na P23,333,389.60.
Nabili ang lucky ticket sa isang outlet sa Sto. Niño Public Terminal, sa Mercado St., South Cotabato, Mindanao.
Kaugnay nito, pinayuhan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mga bagong lotto millionaires na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City. Kailangan lamang nila na ma-iprisinta ang kanilang lucky tickets at dalawang valid IDs.