Press Release - Privilege Speech Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada
Mister President, distinguished members, I rise before you on a matter of collective and personal privilege.
Pahintulutan ninyo akong banggitin ang mga nasambit ng isang philanthropist mula sa Gawad Kalinga na: "Walang maliit o malaking ambag pagdating sa bayanihan. Lahat mahalaga. Lahat importante. Lahat pinapahalagahan."
Para sa mga naghihirap nating mga kababayan na lalo pa at patuloy na pinahirapan ng mga kalamidad, ang lahat at anumang uri ng tulong na makakarating sa kanila ay tunay na biyaya.
Maliit man o malaki ang pinapamahagi ng mga tumutulong, ito ay nagbibigay pag-asa sa mga kababayan nating nangangailangan. At sa isang demokratikong lipunan, dapat may kalayaan ang sinuman na magpaabot ng tulong at donasyon sa kanilang kapwa, sa paraang nais nila.
Bilang pangkalahatang patakaran, tungkulin ng estado na magbigay ng pinakamataas na antas ng pangangalaga, tulong at serbisyo sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng sakuna, magpatupad ng emergency rehabilitation projects para mabawasan ang epekto ng sakuna at mapabilis ang pagbabalik ng normal na mga aktibidad ng lipunan at ekonomiya.[1]
Kaya hindi ko lubos maisip, Ginoong Pangulo, kung ano ang mabuting maidudulot ng pagpapatupad ng City Ordinance No. 26 series of 2024 ng San Juan City, sa nasasakupan nitong lungsod, na magtakda ng pataw na limang libong pisong multa sa sinumang donor na hindi magpapasintabi sa Office of the Mayor.
Bakit kailangan pang dumaan sa isang mahaba at di makatwiran na proseso ang pagbibigay ng tulong? Hindi ba't mas mainam at mabilis na paraan kung direktang makakarating ang tulong sa mga nangangailangan?
Hindi ba't sa halip na limitahan ang galaw ng mga gustong tumulong, mas nararapat na bigyan sila ng mas malawak na kakayahan para damayan ang mga nangangailangan?
Habang pinaghihirapan natin ang pagbalangkas ng mga batas para mabawasan ang burukrasya sa gobyerno, heto't may isang lungsod na tila balakid sa mga mapagkawanggawa. Hindi ba kalabisan sa batas ang pagpapataw ng ganitong multa?
Likas sa ating mga Pilipino ang diwa ng bayanihan. Ang mga ganitong panuntunan ay maaari lamang magdulot ng pag-aalalinlangan sa mga nais tumulong. Sa halip na hikayatin ang