Selebrasyon ng ‘Araw ng Maynila’, kasado na – Lacuna | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagdaraos ng ika-453 anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila sa Lunes.
Bunsod nito, nanawagan kahapon si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga opisyal at mga empleyado ng Manila City government, at maging sa mga residente ng lungsod, na lumahok sa gagawing selebrasyon para sa Araw ng Maynila sa Hunyo 24.
Ayon kay Lacuna, ang aktibidad para sa paggunita ng ika-453 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ay isasagawa sa pamamagitan ng isang civil-military parade na gaganapin sa Dagonoy, sa Onyx.
Ito ay lalahukan aniya ng lahat ng city employees at mga Manila-based organizations para sa joint celebration ng nasabing okasyon.
Panawagan ng alkalde, “Lahat ay hinihikayat ko bilang pagdiriwang na tayo ay magkita-kita sa Lunes, June 24, sa Dagonoy, Onyx para sa ating taunang civil-military parade. Kayo ay bahagi ng lungsod ng Maynila kaya marapat lamang na kasama namin kayong lahat sa pagdiriwang ng napakahalang araw na ito.”
“Sa susunod na linggo, sa Lunes, ay ipagdiriwang na natin ang ika-453 taon ng pagkakatatag ng lungsod ng Maynila, isang bagay na hindi natin dapat balewalain dahil sa loob ng 453 years at hinubog ang Maynila bilang tunay na karapat-dapat bilang kapitolyo ng ating bansa,” dagdag ng alkalde.