SMB, NorthPort itutuloy ang ratsada | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ang pang-limang sunod na ratsada ang pakay ng San Miguel at NorthPort sa pagsagupa sa kanilang mga karibal sa Season 48 PBA Philippine Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Haharapin ng Beermen ang Terrafirma Dyip ngayong alas-4:30 ng hapon habang sasagupain ng Batang Pier ang Magnolia Hotshots sa alas-7:30 ng gabi.
Solo ng San Miguel ang liderato bitbit ang 4-0 record kasunod ang NLEX (5-1), NorthPort (4-1), Terrafirma (4-3), Blackwater (3-3), Barangay Ginebra (3-3), TNT Tropang Giga (3-3), Meralco (3-4), Rain or Shine (3-4), Magnolia (1-2), Phoenix (1-4) at Converge (0-6).
Tumagay ang Beermen ng 95-92 panalo sa Gin Kings tampok ang 14 points at 10 rebounds ni seven-time PBA MVP June Mar Fajardo.
“These four games medyo our transition defense was not that good,” ani SMB coach Jorge Gallent. “But it’s getting there. So we just have to practice it more and see what happens.”
Umiskor ang Dyip ng malaking 91-85 panalo sa Gin Kings sa likod ng 25 points ni Juami Tiongson.
Hangad din ng Batang Pier ang pang-limang sunod na panalo sa pagharap sa Hotshots na nasa two-game losing skid.