Winning streak itutuloy ng UP vs Ateneo | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nais pahabain ng last year’s runner-up University of the Philippines ang kanilang winning streak sa tatlo kontra Ateneo de Manila University sa second round ng UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena ngayong araw.
Tangan ang 8-1 karta, nakasisiguro na ang Fighting Maroons na lalaro sa semifinals kasama ang defending champions De La Salle University na may 10-1 record.
Muling sasandalan ng UP sina JD Cagulangan, Mark Belmonte, Gerry Abadiano, at Quentin Millora-Brown pagharap nila sa Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Adamson University at University of the East sa alas-2 ng hapon.
Noong Linggo nakuha ng Fighting Maroons ang semis slot matapos nilang pagulungin ang Soaring Falcons, 70-59, kung saan tumikada si Cagulangan ng 17 points.
Kasalo naman ng Ateneo sa No. 5 sa team standings ang Adamson U at Far Eastern University tangan ang tig 3-7 karta.
Kailangan ng Blue Eagles na manalo upang manatiling may tsansa sa asam na sumampa sa final four pagkatapos ng 14-game elimination round.
Samantala, pakay ng Red Warriors na palakasin ang kapit sa No. 3 at makasiguro ng playoffs para sa Final Four, hawak nila ang 6-3 baraha, nasa pang-apat ang University of Sto. Tomas na bitbit ang 5-6 card.