2 mananaya paghahatian P5.94-M jackpot para sa Lotto 6/42 | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Hindi isa kundi dalawang mananaya ang maghahati sa P5.94 milyong jackpot ng pinakahuling Lotto 6/42, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Huwebes kasi nang ibola ng PCSO ang mga sumusunod na winning combination: 27-02-20-22-23-10.
Wala pang binabanggit ang PCSO kung saang lungsod o probinsya nabili ang dalawang winning ticket.
Nangyari ito ilang araw lang matapos manalo ng magkahiwalay na P8.39 milyon at P7.34 milyong jackpot prize ang dalawang mananaya para sa Lotto 6/42 at 6D Lotto.
Gayunpaman, hindi makukuha ng dalawang bettor ang kabuuan ng P5,940,000 jackpot prize alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon sa naturang batas, kinakailangang buwisan ang lahat ng lotto winnings na lagpas P10,000.
Kinakailangang makuha ang mga naturang winnings sa loob ng isang taon matapos ang araw ng pagbola ng mga numero upang maiwasang ma-forfeit patungo sa charity fund ng PCSO.
Nangyari ang naturang pagkapanalo ilang matapos ang kontrobersiya ng pag-e-edit ng PCSO sa litrato ng lotto winners.
Kamakailan lang nang gisahin ng Senado si PCSO General Manager Mel Robles dahil sa dami ng nananalo ng milyun-milyon sa lotto nitong mga nagdaang buwan kumpara sa karaniwan.