Ayala Alabang residents nag-motorcade vs POGO | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng motorcade ang mga residente ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City upang iprotesta ang mga ‘undesirable tenants’ partikular ang umano’y POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na sumira ng peace and order sa kanilang subdibisyon.
Nakadikit sa may 100 sasakyan na lumahok sa motorcade ang “NO to POGO, Bodyguards, Gambling”.
Nilibot ng mga sasakyan ang loob ng AAV upang ipakita ang kanilang pagtutol sa posibleng paglalagay ng POGO sa lugar na magdulot ng gulo at karahasan.
Ayon sa mga residente, nag-aalala sila at natatakot sa patuloy na pangungupahan ng Chinese nationals sa kanilang subdibisyon na pawang hindi sumusunod sa mga reglamento na ipatutupad ng Ayala Alabang Village Homeowners Association.
Bilang isang exclusive subdivision, sinabi ng mga residente na hindi nila hahayaan na mabahiran ng masamang imahe ang kanilang lugar.
Matatandaang nagkaroon ng komosyon nang muntik nang magbarilan ang mga bodyguards ng mga Chinese nationals na tenants sa lugar.
Handa rin ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad mapanatili lamang ang kaayusan sa subdibisyon.
May ilang beses na silang lumiham sa ilang concerned authorities para alamin ang sitwasyon ng kanilang lugar subalit walang nangyayari kaya nagpasiya na silang kumilos sa pamamagitan ng motorcade.
Ibinulgar din nila na ang pagkakaroon ng mga Chinese tenants ay dahil sa ‘pera-pera’ o ang mga landlords na may-ari ng units ay ipinaparenta ng P100,000.00 hanggang 400,000.00 ang bawat unit na may 3-4 na bedroom.
Ilan din sa mga bahay ang pinauupahan kung saan pinagkakasya umano ang nasa 30 Chinese nationals habang nasa lima lamang ang kapasidad.
Pinauupahan umano ang mga bahay ng mga may-ari dahil na rin sa advance payment para sa loob ng 2 taon.
Dapat na inspeksyunin anila, ang mga unit na pinauupahan dahil violation sa rental agreement at nako-kompromiso ang peace and order, kung saan apektado ang mga ‘long-time residents’.