Pinoy athletes nagningning sa Paris opening | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Hindi nahadlangan ng ulan ang Olympic spirit ng mahigit 10,000 atleta at opisyales na dumalo sa opening ceremony ng 2024 Paris Olympics.
Masaya ang Team Philippines na pumarada sa opening rites na ginanap sa Seine River.
Hindi pa man nagsisimula ang parada, kitang-kita ang excitement ng lahat sa kabila ng pagbuhos ng ulan.
Nakasakay sa bangka ang bawat delegasyon na nagparada sa pamosong River Seine.
Nanguna sa Team Philippines si Olympic silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio na siyang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas.
Kasama nina Paalam at Petecio sina fencer Samantha Catantan, boxers Hergie Bacyadan at Aira Villegas, swimmers Kayla Sanchez at Jarod Hatch, gymnasts Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar, at sina hurdlers John Cabang Tolentino at Lauren Hoffman.
Bahagi rin ng mga nagparada sina Philippine chef de mission Jonvic Remulla, Association of the Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary general Marcus Manalo, Philippine rowing president Patrick Gregorio, at Philippine athletics chief Agapito “Terry” Capistrano.
Kasama ng Pilipinas sa bangka ang delegasyon ng Poland at Puerto Rico.
Hindi na kasama sa parada sina rower Joanie Delgaco at gymnast Carlos Yulo na pormal nang sumabak kahapon sa kani-kanyang events.
Aarangkada ngayong araw sina gymnasts Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar sa women’s artistic gymnastics all-around qualification na gaganapin sa Bercy Arena.
Pare-parehong nasa Subdivision 3 sina Finnegan, Malabuyo at Ruivivar.
Magsisimula ang qualification sa alas-8:50 ng gabi (oras sa Maynila).