DA exec pinasisibak ng Ombudsman sa sibuyas deal | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pinasisibak sa tungkulin ng Office of the Ombudsman si Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Consumer Affairs Kristine Evangelista kaugnay ng umano’y maanomalyang transaksyon sa pagsusuplay ng sibuyas sa Kadiwa stores ng DA.
Una nang pinasuspinde ng 6 na buwan ng Ombudsman noong Agosto si Evangelista at iba pang opisyal ng DA dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at paglabag sa Procurement Law dulot ng kakulangan ng suplay ng sibuyas sa mga pamilihan dahilan para magkaroon umano ng manipulasyon sa presyo nito at kuwestyonableng pagbili ng sibuyas ng FTI mula sa Bonena Multi-Purpose Cooperative.
Bukod kay Evangelista, nasuspinde rin dito sina DA Administrative Officer V Eunice Biblanias, DA OIC-Chief Accountant Lolita Jamela, Food Terminal Inc. (FTI) Vice President for Operations John Gabriel Benedict Trinidad III, at FTI Budget Division Head Juanita Lualhati.
Ang limang opisyal ng DA kabilang si DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban at FTI President Robert Tan ay nahaharap sa grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service may kinalaman sa kasunduan sa pagsusuplay ng sibuyas.
Sa ipinalabas na desisyon ng Ombudsman kahapon, napatunayan umano nito na si Evangelista ay guilty sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service.
Pinasisibak din ng Ombudsman si Trinidad ng FTI matapos mapatunayang guilty sa gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of service.
Absuwelto naman sa kasong administratibo sina Panganiban, Biblanias, Jamela, at Lualhati dahil sa kakulangan ng ebidensiya na nagdidiin sa kanila sa kaso.
Samantala nakakita din ang Ombudsman ng probable cause para idiin sa kaso si Evangelista at Trinidad kabilang ang ibang indibidwal dahil umano sa pagsasabwatan.
Ang kasong kriminal naman laban kina Panganiban, Tan, Jamela, Biblanias, at Lualhati ay dinismis ng Ombudsman dahil sa kakulangan ng probable cause.
Dinagdag ng Ombudsman na ang naturang mga personalidad ang lumikha “artificial shortage” sa sibuyas.