Gilas lineup ipinaliwanag ni Cone | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang pagpili nito sa kumbinasyon ng mga beterano at bagitong players para sa mga international tournaments na lalahukan ng tropa.
Ayon kay Tim Cone, maraming matututunan ang mga batang players sa mga beterano na sa international events gaya nina June Mar Fajardo, CJ Perez, Scottie Thompson at Jamie Malonzo kasama pa si naturalized player Justin Brownlee.
“We wanted the group that’s both veteran and young. One thing that helped in my career, you develop your team through young players. They improve and get better,” ani Cone.
Bahagi ito ng long term goal ni Cone.
“But if you want to win now, you win with the veterans, so we have a veteran group and we have a young group,” dagdag nito.
Makakatulong ang mga beterano sa mga bagitong sina Japan B.League Asian imports Kai Sotto, AJ Edu at Carl Tamayo at reigning UAAP Season 86 MVP Kevin Quiambao.
Paghahandaan ng Gilas Pilipinas ang pagsabak nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers 2025 na magsisimula sa Pebrero 22 kung saan makakalaban ng tropa ang Hong Kong sa Tsuen Wan, Hong Kong.
Hangad ni Cone na mahubog ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas na maging versatile o pasok sa anumang posisyong ibibigay sa mga ito.