Gilas sasagupa sa Brazil sa semis | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Gilas Pilipinas upang makapasok sa Paris Olympics.
Ito ay matapos umusad ang Pinoy squad sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Arena Riga sa Latvia.
Nakapasok sa semis ang Gilas Pilipinas nang angkinin nito ang No. 2 seed sa Group A tangan ang 1-1 rekord.
Lumasap ang Gilas ng 94-96 kabiguan sa kamay ng Georgia sa huling araw ng eliminasyon.
Ngunit ito ang kabiguang ipinagdiwang ng buong sambayanan dahil kailangan ng Georgia na tambakan ng mahigit sa 19 puntos ang Gilas para makapasok sa semis.
Hindi ito nagawa ng Georgia dahilan para awtomatikong makuha ng mga Pinoy cagers ang semis spot.
Nagawang makuha ng Georgia ang 20 puntos na kalamangan sa second quarter.
“We talked about coming into this game that Georgia will come with a great energy and level of desperation,” ani GIlas Pilipinas head coach Cone.
Subalit agad na nagising ang GIlas Pilipinas na nagbago ng game plan upang masawata ang Georgia.
Bida sa naturang laro sina naturalized player Justin Brownlee, CJ Perez at Dwight Ramos.
“But it was still pulling your teeth to get them ready. It was like a train coming at you, you just have to take the hit. And that’s just what we did,” ani Cone.
Muling haharap sa matinding pagsubok ang Gilas Pilipinas dahil makakasagupa nito sa semis ang World No. 12 Brazil.
Umaasa si Cone na madadala ng kaniyang tropa ang magandang laro sa semis.
“I hope that’s win over Latvia not coming through our mind. We’re a very process-driven team and we stay focused on what’s right in front of us,” ani Cone.
Sesentro ang atensyon ng Gilas Pilipinas sa pagbuo ng plano upang mapigilan ang Brazil na nakuha ang top seeding sa Group B.
“We got this step done, now we got another step to take. That’s where our focus is,” ani Cone.