HD Spikers naagaw ang No. 3 semis seat sa PVL | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Mabilis na napatumba ng Cignal HD ang Gerflor matapos itarak ang 25-22, 25-11, 25-10 demolisyon upang masikwat ang huling tiket sa semis sa Premier Volleyball League (PV) Second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maganda ang hugot ng HD Spikers kay Gen Casugod na kumana ng siyam na puntos upang tulungan si outside hitter Ces molina na nakagawa rin ng siyam na hits.
Nagdagdag naman si Vanie Gandler ng walong puntos, samantalang may pitong markers si Jovelyn Gonzaga para sa HD Spikers.
Nakaatake nang husto ang HD Spikers sa tulong ni playmaker Gel Cayuna na nagrehistro ng 16 excellent sets kasama ang limang puntos na nagawa nito.
“Sakto lang na nakapasok kami sa semis. But dapat pang magtrabaho at doon semis kami pupukpok talaga,” ani Cayuna.
Umangat sa 8-3 rekord ang Cignal para masiguro ang pagpasok sa semis.
Kasosyo nito sa No. 3 spot ang Chery Tiggo na may parehong kartada.
Subalit hahawakan ng HD Spikers ang third seed sa semis, habang bagsak sa No. 4 seed ang Crossovers.
Nauna nang nakapasok sa semis ang nagdedepensang Creamline at Choco Mucho.