La Salle hihirit ng ‘twice-to-beat’ | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Isa sa mga maiinit na teams sa UAAP Season 86 men’s Basketball tournament ay ang De La Salle University dahil sa pagkadena ng pitong sunod na panalo at tanging koponan na wala pang talo sa second round.
Tangan ang 10-3 karta, nais ng Green Archers na pahabain ang kanilang winning streak sa walo pagharap sa defending champions Ateneo Blue Eagles ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Maliban sa panalo, pakay din ng Taft-based squad na masikwat ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng 14-team double round robin.
Solo sa tuktok ng team standings ang University of the Philippines hawak ang 11-2 card, habang kasalo ng La Salle ang National University sa No. 2.
Kaya naman kahit panigurado na sa semifinals ang Green Archers ay kailangan pa rin nilang pumana ng panalo.
Huhugot ng lakas ang La Salle kay Kevin Quiambao para masungkit ang inaasam na panalo.
Pero tiyak na mapapalaban nang todo ang Green Archers dahil mahalaga rin ang panalo para sa Blue Eagles na nasa No. 4 tangan ang 7-6 baraha.
Siguradong swak sa Final Four ang Ateneo at hindi na dadaan sa playoff kapag tinalo nila ang La Salle.
Maghaharap sa unang laro sa alas-2 ng hapon ang far Eastern University at University of Sto. Tomas.