Lyceum, Mapua sosyo sa liderato | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Muling naghati sa liderato ang Lyceum of the Philippines University at Mapua University matapos talunin ang kanilang mga kalaban sa second round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Pinalubog ng Pirates ang sibak nang ‘three-peat’ champions Letran College, 85-79 habang dinagit ng Cardinals ang San Sebastian Stags, 70-63, para sa magkatulad nilang 10-3 record.
Naglaglag sina Enoch Valdez at Mclaude Guadaña ng tig-18 points kasunod ang 17 markers ni JM Bravo para sa four-game winning streak ng Lyceum.
Bagsak ng Knights sa pang-limang dikit na talo para sa 1-12 baraha.
Nakatabla ang Pirates sa 72-72 na sinundan ng tatlong dikit na tres ni Bravo na nagpaguho sa kumpiyansa ng Knights na nakakuha kina Vince Cuajao at Kobe Monje ng 24 at 20 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa unang laro, tinapos ng San Beda University ang dalawang sunod na kabiguan matapos talunin ang Emilio Aguinaldo College, 81-71.
Pinaganda ng Red Lions ang kanilang baraha sa 8-4, samantalang nadulas ang Generals sa 7-6.