Operator ng 2 jeep na viral sa road rage sa Caloocan, sinubpoena ng LTO | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Ipinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang rehistradong may-ari ng dalawang pampasaherong jeep na nag-viral sa social media sa isang road rage sa Bagong Silang, Caloocan City.
Sinabi ni LTO Chief Vigor D. Mendoza II na ang naturang mga registered owners ng dalawang pampasaherong jeep na may plate numbers TVS-273 at TVN-720, ay inatasan ding ilabas ang driver ng kanilang sasakyan nang maganap ang insidente.
Sa October 1 ay inatasan ang naturang mga may-ari ng pampasaherong sasakyan na magtungo sa LTO-Intelligence and Investigation Division sa main office ng LTO sa East Avenue Quezon City.
“Lubhang delikado ang ginawa ng dalawang driver na ito dahil kitang-kita sa video na nag-viral sa social media na may mga pasahero sila nung mangyari ang insidente.Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng asal lalo na ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan dahil nilalagay din nila sa alanganin ang kanilang mga pasahero,” sabi ni Mendoza.
Sa naturang video, ginitgit ng driver ang rear portion ng isa pang pampasaherong sasakyan kaya napuwersa ang mga pasahero na bumaba.
Pinagpapaliwanag ang naturang mga driver kung bakit hindi sila maaaring parusahan ng paglabag sa kasong Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 41236), Obstruction of Traffic (Sec. 54 of RA 4136) at Improper Person to Operate a Motor Vehicle dahil sa naganap na insidente.